Chapter [41] Terenz Dimagiba
Hanggang ngayon ay naiisip ko pa rin ang halik na binigay ni Kai sa akin. Hindi naman sa nakaramdam ako ng kakaiba dahil doon, nag-aalala lamang ako. Lalo na at nakapapansin na rin si Kit sa pagkabalisa ko. Mabuti na lamang at nalusutan ko siya noong nakaraan. Ang problema nga lamang ay ilang araw na rin akong ilag kay Kai sa paaralan. Kahit ang mga mensahe niya ay hindi ko pinapansin.
Nang marinig ko ang bell hudyat na break na namin ay mabilis kaagad akong tumayo. Panigurado ay pupuntahan na naman ako no'n dito. Wala na akong pakialam kung hindi matapos ang pagpipinta niya sa akin, ayaw ko nang gumawa pa ng dahilan na maaaring ikasisira namin ni Kit.
"I knew you'll avoid me again today."
Napapreno ako sa paglalakad nang marinig ko ang boses na iyon. Nakita ko si Kayin sa may hagdan pababa ng second floor kung nasaan ako. Nakasandal siya sa railing at seryoso ang tingin sa akin. Napaatras ako at sinimulang kabahan. Talagang inambangan na niya ako ngayon!
"H-Hindi na pala ako kakain," kinakabahan kong sambit sabay talikod sa gawi niya.
"Terenz, wait!" Mabilis na nahatak ni Kayin ang kamay ko na kinatigila ko. "I'm sorry. I was just..."
Pagod akong napabuntong hininga. Parang malaking tinik sa lalamunan ko ang nangyari at sa katotohanan na tinatago ko iyon kay Kit ay mas nagpapabigat ng dibdib ko. Sa ngayon, kailangan muna siguro na magkalinawan kami ni Kayin. Hindi niya naman siguro sinasadya iyon, hindi ba?
Humarap ako sa kaniya at diretso siyang tinignan sa kaniyang mga mata. Bahagya siyang napaatras, may kakaibang kaba na mababasa sa kaniyang mga mata.
"Bakit? Bakit mo ginawa iyon, Kai?"
Nakita kong inipit niya ang kaniyang mga labi, tila ba'y naghahanap ng mainam na salitang sasabihin sa akin. Sa katawan niya'y mababasa mo ang kakaibang ilang at pagdadalawang-isip. Hindi naglaon, napabuntonghininga siya. Mukhang handa na siyang magsalita.
"That guy last time... he's your boyfriend, right?"
Natigilan ako sa sinabi ni Kayin at matagal na napatitig sa kaniyang mga mata. Alam kong ang tinutukoy niya ay si Kit at ako, ngunit paano niya nahalata iyon? Ganoon ba kami kahalata?
"P-Paano mo nasabi?" nananantiya kong tanong.
Sinuklay ng isa niyang kamay ang kaniyang buhok. Halata ang prustrasiyon sa kaniyang expresiyon. May kinalaman ba ang nalaman niya kung bakit niya ako hinalikan? Ano naman doon?
"You see, Renz. I saw it. The way he stared at me when I was talking to you... it feels like he'll kill me any minute. That's why I knew." Tipid siyang ngumiti nang sinabi niya iyon.
Ganoon kasama ang tingin ni Kit sa kaniya noon? Kaya pala ang sama-sama ng timpla ng mukha niya noon. Nagselos pala siya? Hindi ko maiwasang makadama ng tuwa sa kaisipan na iyon. "Anong kinalaman sa kung ano ang meron kami sa paghalik mo sa akin?" Ngayon ay mahinahon na ako.
Humawak ang isa niyang daliri sa ibaba ng kaniyang labi na sinundan ko ng aking paningin. Pinaalala sa akin noon ang halik na ibinigay niya sa akin at ang pakiramdam ng malambot niyang labi sa akin. Hindi ko maiwasang mapalunok. "I was curious on what's between the two of you. You could say na gusto kong malaman how is it working between two men. Ah, don't get me wrong. It's not like I am judging you two in a bad way, you just really got me curious. That's all," paliwanag niya.
Nanunggab ang mga kilay ko sa narinig. Kyuryoso lamang siya kaya niya ako hinalikan? Anong akala niya sa akin, tester? Napakaganda ang paningin ko rito kay Kai dahil siya ang tumulong sa akin dito sa unibersidad, ngunit hindi ko akalain ito. May natamaan siyang parte sa akin na nagpababa ng tingin ko sa aking sarili. Hindi niya kami hinusgahan, pero hindi niya rin ako nirespeto at ang relasiyon namin ni Kit. Alam niya ang mayroon sa amin, pero lumagpas pa rin siya sa linya. Nakita niya yata sa mukha ko ang kakaibang inis, kung kaya ay bigla siyang nag-alala.
"Hindi pa rin tama iyon, Kai. Alam mo ba kung gaano ako kahirap ngayon na itago ngayon ito kay Kit? Ang isa sa mga bagay na hindi malusog sa isang relasiyon ay kung may tinatago ang isa. Litong-lito na ako kung paano ko sasabihin sa kaniya dahil ayaw kong magtago, ngunit natatakot din ako sa magiging reaksiyon niya." Napakagat ako sa ibaba ng aking labi nang manginig ang aking boses.
"I'm sorry..." halos pabulong niyang sabi. "Sorry, I was wrong. I—"
"Tama na." Tinaas ko ang aking kamay sa harap ng kaniyang mukha. "Salamat at nagpaliwanag ka, pero hindi ko na ipapatuloy ang pagmomodelo ko sa iyo, Kai. Kaibigan pa rin kita at sana... wala nang mangyari na ganito sa sunod." Hindi na siya nakapagsalita matapos kong sabihin iyon. Nakita ko ang pagbuka at sara ng mga labi niya, tila may nais pang sabihin. Sa huli ay tanging pagtango na lamang ang kaniyang naibigay. Ang mga mata niya'y may kakaibang ipinapahiwatig, ngunit nagbulag-bulagan ako.
Si Kit lang ang laman ng puso ko.
"You're spacing out again. Is anything wrong?" ang malamyos na boses ni Kit ang nagpawala sa akin sa pag-iisip ng usapan namin kanina ni Kai.
Natigil pala ako sa pagpupunas ng basa niyang buhok. Nakaupo ako sa dulo ng kama habang siya ay nakaupo sa sahig. Katatapos lamang niyang maligo at naglambing na punasan ang kaniyang buhok. Wala pa siyang suot na pang-itaas at tanging isang itim na pajama lamang. Malaya kong nakikita ang mahubog niyang katawan.
Lihim akong nangiti.
"Wala, may naisip lang."
"Hmm..." Pinikit niya ang kaniyang mga mata nang ipagpatuloy ko ang ginagawa. "Babe?"
Bahagya akong napakislot nang tinawag niya ako sa ganoong uri ng boses. Parang bata na nagmamakaawa. Unang pagkakataon kong narinig iyon, may malaki kaya itong hihingiin? Nakaisa na siya kanina, ah.
"Hm? Bakit?"
Minulat niya ang kaniyang mga mata at diretsong nagtama ang aming mga paningin. Nakayuko ako habang siya ay nakahiga ang ulo na patuloy ko pa ring pinapatuyo sa aking kandungan.
"I'll be out for a business trip the day after tomorrow," diretso niyang sabi.
Matagal akong napatitig sa mga mata niya at tumigil na sa pagpupunas. Naalala ko noong dinala niya ako sa Boracay dahil din sa business trip niya, ngunit dahil may pasok ako, hindi na niya ako madadala ngayon. Ngayon lang ulit ito, ah? Saan naman kaya.
"Ganoon ba? Kasama mo naman si Ate Maia, 'di ba? Kung wala lang akong pasok ay sasama ako."
"It's okay, I just want to inform you." Ngumiti siya sa akin.
"Basta mag-iingat ka lang. Mag-text ka o tumawag sa akin kung hindi ka na busy. Ilang araw ka ba sa pupuntahan mo?"
Naramdaman kong gumapang ang kamay niya sa hita ko. Bahagyang humihimas ito roon. Hm, mukhang may hinihingi pa nga.
"For two weeks," namamaos niyang sambit. "I'm going to New York, baby."
Nagkatitigan kami nang kumawala sa mga labi niya ang lugar kung saan siya pupunta. Sa mga titig pa lamang namin ay alam kong iisa na ang tumatakbo sa aming mga utak. Bigla akong kinabahan. Gusto kong sabihin kung bakit sa lahat ng lugar, doon pa? Bakit sa lugar kung nasaan ang taong higit sa lahat ay kinakatakutan kong makita niyang muli.
Paano kung... bumalik ang lahat sa kanila? Dahil kahit saang anggulo natin tignan, siya pa rin ang nauna kay Kit. At ako, hindi pa sigurado kung ako na talaga ang para sa kaniya sa dulo. Paano kung... sa gitna lang pala ako?
Pilit kong pinoprotektahan ang kung ano ang meron kaming dalawa na ang magtago sa kaniya ng halik na ibinigay sa akin ni Kayin ay akin nang nagawa. Ngunit, mukhang may mas mabigat pang mangyayari na susubok sa mga puso naming dalawa.