Pancho Kit Del Mundo

Chapter [32] Terenz Dimagiba



Napatalon ang aking katawan sa kinauupuan nang mag-vibrate ang aking cellphone. Natigil ako sa pagsalansan ng mga papel na pinaayos sa akin ni Sir Pancho rito sa opisina niya para tignan kung sino ang nagpadala ng mensahe. Nang mabasa ang pangalan sa screen ay napatingin muna ako sa pinto ng opisina bago iyon binasa.

Kayin:

Have you seen the results yet?

Dagling kumabog ang aking dibdib sa mensahe ni Kayin na kamakailan lamang ay lagi nang nagte-text sa akin. Lumabas na kaya ang resulta? Sabi ni Sir ay siya na ang titingin para sa akin dahil hindi pa ako maalam sa internet. Ako:

Hindi pa, eh. Meron na ba? Nakita mo na ang result mo? Makalipas ang dalawang minuto ay muli siyang nag-reply.

Kayin:

Yeah! I passed and you, too! Congrats to us!

Napatayo ako at muntik pang mabitawan ang aking cellphone sa nabasa. Nakapasa ako! Papasok na ako bilang kolehiyo sa susunod na lunes! Kailangan ko itong sabihin kaagad kina Nanay!

Binati ko rin si Kayin. Hindi na raw siya makapaghintay sa lunes at gayo'n din ako. Halo ang kaba at excitement sa akin. Tiyak kong matutuwa rin si Nanay Matilda kapag nalaman niya ito.

Tinawagan ko si Nanay at habang nag-ri-ring ay pabalik-balik ang lakad ko sa loob ng opisina. Masahol pa yata ang nararamdaman ko ngayon na tuwa kaysa sa mga nanalo sa lotto. Ang mga pangarap ko ay nasa harap ko na. "Nay!" masigla kong bati kay Nanay sa kabilang linya.

"O anak, napatawag ka? Akala ko ay nasa trabaho ka ngayon?" sunod-sunod na tanong niya na hindi ko na pinansin.

"Nay! Nakapasa po ako, Nanay! Kolehiyo na ako!"

Nagtatalon pa ako sa aking kinatatayuan nang marinig ang kaniyang tili. Sa tuwa ay nagsisigaw pa siya at tinawag si Tatay na noo'y nakiki-agaw sa cellhpone ni Nanay para batiin ako. Si Buboy ay nasa eskuwelahan pa yata. "Masayang-masaya kami para sa iyo, anak! Hayan na, magkakadiploma ka na. Malapit na, nak!" si Nanay.

"Patumbahin mo silang lahat, Terenz! Huwag kang magpapatalo at makisabay ka sa kanila. Kaya mo 'yan! Dimagiba ka yata!" sigaw ni Tatay.

Malakas akong natawa sa kanila. Matagal pa kaming nagkausap sa labis na tuwa. Si Tatay ay nagsisimula na ring mag-ipon sa panluwas nila rito sa Maynila na sabi ko ay ako na ang bahala. Pero anila at tinatabi raw nila ang padala ko para sa araw-araw. Napangiti naman ako. Miss na miss ko na sila.

"Sige po, Nay. Baka bumalik na si Sir mula sa meeting."

"O siya, sige. Goodluck, nak, ha? Love you!"

Hindi na mapawi-pawi ang ngiti sa aking mga labi.

"Love you, too, Nanay. Kayong lahat."

Saktong natapos ang tawag ay siyang bukas ng pinto sa harap. Tapos na ang meeting at pumasok si Sir Pancho kasunod si Ate Maia. Tila may binibigay si Sir na instructions kay Ate na kung ano. Tahimik akong bumalik sa ginagawa kanina. Kating-kati na rin akong sabihin kay Sir.

"Then tell Mr. Arturo that I'll set a one on one meeting with him the day after tomorrow."

"Okay noted, Sir."

Pagkalabas ni Ate Maia, kaagad na sa akin dumapo ang paningin niya. Malapad akong napangiti lalo na noong tumungo siya sa kung nasaan ako at umupo siya sa aking tabi. Halatang pagod na naman siya. Tanghalian na rin naman pala. "Oh yeah..." bigla niyang sabi at muling tumayo patungo sa lamesa niya."We need to check the results."

Mabilis akong napabaling sa kaniya nang sinabi niya iyon. Malapad ang aking pagkakangiti. Hinintay ko talagang sabihin ni Sir iyon para siya ay sorpresahin.

"Nakapasa po ako, Sir!" galak kong pagpapaalam sa kaniya.

Taliwas sa inaasahan kong reaksiyon niya, lumingon siya sa akin na sunggab ang mga kilay. Napatigil siya sa paglalakad at muling humarap sa akin. Sumandal siya sa kaniyang lamesa, magkakrus ang mga braso. Nang napagtanto ko na kung bakit ganoon ang naging reaksiyon niya, napawi ang ngiti ko.

Oo nga pala, si Kayin! Nakalimutan kong mainit ang ulo ni Sir sa kaniya kahit hindi ko alam kung bakit. Sinulyapan ko siya na madilim ang paningin sa akin. Hindi kaya... nagseselos siya? Talaga ba, Terenz?

"How did you know? You used the internet?" pormal niyang sabi.

Lumunok ako at umiling.

"Then... who told you?"

"S-Sir kasi..." Magsisinungaling sana ako kaso hindi ko magawa! "N-Nag-text po si Kayin sa akin hehe..."

Mariin kong tinikom ang aking mga labi nang mag-isang linya ang mga labi niya. Bumuntong hininga siya. Inaasahan kong magagalit na naman siya, pero tumango lamang siya at wala nang sinabi.

"As much as I am pissed, I don't want to ruin the good news. Let's eat outside, mag-ce-celebrate tayo." Nakangiti na siya ngayon.

Muling bumalik ang ngiti sa aking mga labi. Tumayo kaagad ako at sumunod sa kaniya palabas. Inaya pa namin si Ate Maia na masaya rin para sa akin. Sakto rin noong dumating si Ninong na dumaan sa opisina niya para pirmahan ang isang dokumento. Kagagaling lang daw niya sa isang meet-up mula sa isang kliyente.

"Congrats, anak! You did a great job. Nasabi mo na ba sa mga magulang mo?"

Pumasok kami sa isang mamahalin na Chinese Restaurant. Si Sir Pancho ang sumagot lahat ng order namin. Hindi ko naman maiwasang matuwa dahil ginawa niya iyon para sa akin.

"Opo, Ninong. Tinawag ko po kaagad kanina kina Nanay. Masayang-masaya po sila," galak kong sagot kay Ninong.

"They should be. I am also proud to my son for doing this for you. And ofcourse, I am proud of you, too. Do well on your studies," anito sabay tanaw sa anak na nag-o-order sa counter kasama si Ate Maia.

Napangiti naman ako. Masaya ako dahil umayos na ang relasiyon nilang mag-ama. May ilangan pa kung minsan, pero mahahalata mo na hindi na kagaya ng dati. Kahit ang mga staff sa kumpaniya nila ay naririnig kong pansin iyon. "Again, congratulations, Renz," si Sir Pancho.

Pinag-umpog namin ang aming mga inumin at sinimulan nang lantakan ang mga pagkain. Napakasarap! Noon lang ako nakakain at nakapasok sa ganoong kainan. Sana balang araw, maibigay ko rin ito kina Nanay. Nagpapasalamat talaga ako kina Ninong at Sir Pancho.

Habang kumakain, hindi ko naman maiwasang mailang dahil naging atentibo si Sir Pancho sa akin. Hindi ko alam kung nakalimutan ba niyang may mga kasama kami, pero mukhang wala lamang sa kaniya. Ako kasi ang biglang nahiya lalo na at panaka-naka ang pagsunod ng tingin ni Ninong sa amin!

"Here, this one's good. You should start to explore some cuisines. These might help you, too."

Nilagyan ako ni Sir ng panibagong putahe sa aking pinggan na kanina pa niya ginagawa. Hindi ko tuloy maiwasang isipin ang mga panahong nakikita kong ginagawa niya ito noon kay Sir Ellie. Masarap sa pakiramdam, pero ewan ko ba at nakapanlulumo rin. Noon, naisip ko na sana maranasan ko rin mula kay Sir, pero ngayong ginagawa na niya, hindi ko rin maiwasang isipin kung kusa ba o pilit lang talaga.

Para ba talaga sa akin? O para pa rin sa taong nagpasanay sa kaniya sa mga ganitong gawain?

"S-Sir, ayos lang po..." Napasulyap ako kina Ninong.

Nakita kong tipid na ngumiti si Ninong sa akin nang mahuli ako kung kaya alanganin din akong ngumiti pabalik. Si Ate Maia nama'y may kakaibang ngiti na nakaplaster sa mga labi kahit pa patuloy lamang sa pagkain. "Eat up. It's all for you." Hinintay niya pa akong tikman ang nilagay niya bago nakuntento.

Hindi na ako nakatanggi dahil binabantayan ni Sir ang bawat nguya ko. Para bang sinisigurado niyang matitikman ko ang mga pagkaing noon ko lang natikman. Pero paano ako makakakain nang maayos dahil sa kanila? Sa huli, ako ang huling natapos na kumain. Buti na lang at may tumawag kay Ninong bigla kaya binilisan ko na lang tapos para maubos.

Sobra akong nakahinga nang maluwag noong tumayo ulit si Sir para magbayad. Si Ate Maia nama'y pumuntang CR para raw mag-re-touch. Napahilot ako sa aking sentido.

"Oh, you're done?" si Ninong.

Napaayos ako nang upo pagbalik niya.

"A-Ah... opo."

"Nabusog ka ba? Nagustuhan mo ang mga pagkain?"

Tumango ako. "Opo, Ninong. Sobrang sarap po. Salamat."

"Good." Kumuha siya ng tissue at pinunasan ang kamay na nasagi ang isang sauce. "Are you free this Sunday? Gusto kong lumabas na tayo lamang dalawa bago ang pasok mo sa Lunes. Hindi ko pa ito nagagawa as ninong mo, Terenz. So I am hoping for a bond with just the two of us."

Hindi maganda ang kutob ko sa sinabi niyang iyon. Pakiramdam ko ay bukod sa nais makasama ako, nakikita ko sa mga mata niya na may nais pa siyang sabihin.


Tip: You can use left, right, A and D keyboard keys to browse between chapters.