Pancho Kit Del Mundo

Chapter [28] Terenz Dimagiba



Kahit lumipas na ang gabi noong nainis sa akin si Sir Pancho, nakikita ko pa rin ang aking sarili na binabalikan iyon. Hindi ko alam kung ano ang kinagalit niya noon, naisip ko baka dahil lasing lamang siya. Binura pa niya ang numero ni Sir Axel na kausap ko noon. At isa pa... hindi na niya nabanggit o hindi manlang namin napag-usapan ang namagitan sa aming dalawa. Hanggang ngayon, sariwa pa sa akin ang lahat.

Nabapabuntonghininga ako, hindi ko muna dapat iniisip iyon.

Ngayon kasi ay hindi muna ako pinagtatrabaho ni Sir. Hinayaan at binigyan niya ako ng oras na mag-review para sa entrance exam sa unibersidad kung saan niya ako papapasukin. Ngayon pa lamang ay kinakabahan na ako, pero hindi ko dapat biguin ang mga nagtitiwala sa akin. Lalo na ang sayangin ang pagpapaaral sa akin ni Sir.

"Ano ang gusto mong kuhain sa kolehiyo?"

Napaangat ang ulo ko na kanina pa nakayuko kay Sir na nasa aking harap at nakatingin sa mga papel na kaniyang hawak. Nandito kami ngayon sa kaniyang opisina. Tapos na ang trabaho niya pero sinabi niya na nais muna niya akong makausap bago umuwi.

Iniisip ko kung galit pa ba siya sa akin sa nangyari kagabi, pero hindi siguro ngayon ang tamang oras para itanong iyon.

"N-Nais ko po sanang mag-HRM, Sir," kabado kong sagot.

Ibinaba niya ang hawak na mga papel at tumango. May pinirmahan siya sa isang papel bago tuluyang dumapo ang paningin niya sa akin. Napaupo ako nang ayos sapagkat napakaseryoso niya.

"Hotel and Restaurant Management, huh? Not bad. Magaling ka rin magluto. Okay, ready for your entrance exam. Papakuha akong schedule para makahanda ka."

Napabuntonghininga akong muli sa huli naming pag-uusap.

Nakakainis lang at kahit nag-re-review ako ay lumalayag ang utak ko sa kaniya. Kumain na kaya 'yun ngayon? Kumusta ang pagmamaneho niya gayong nag-resign ang driver niya noong lugmok pa siya? Sabi ni anay ay pabalikin daw ang driver kaso si Sir Pancho na ang nagsabi na huwag na at kaya niya naman. Ang tigas ng ulo.

Si Nanay naman ay walang sawa na nagpapadala sa akin ng mensahe na galingan ko. Nasabi pa nga niya na ngayon pa lang ay pag-iipunan na nila ang panluwas ng Maynila para sa graduation ko. Pagkarinig ko no'n ay mas lalo akong ginanahang magpursige.

"Oh, apo, magmeryenda ka muna."

Napangiti ako noong dinalhan ako ni Nanay Matilda ng makakain dito sa sala. Kanina nga habang break ng mga kasambahay ay nakisisilip sila sa ni-re-review ko. Binida pa nila ang mga naalala at natutunan nila noong nag-aaral pa sila. Nakatutuwa silang pakinggan. Alam ko na ginagawa lang nila iyon para huwag akong panghinaan ng loob.

"Salamat po, Nay," magalang kong tugon.

"Handa ka na ba para bukas? Ipagdarasal ko na makapasa ka, apo," matamis ang ngiti niyang sabi. "Kinakabahan pero hindi ko hahayaan na masayang ang ibinigay na oportunidad sa akin ni Sir."

Mas tumamis ang pagkakangiti ni Nanay. Naupo siya sa aking tabi.

"Noong malaman ko na nagdesisyon si Pancho na pag-aralin ka, walang pagsisidlan ang tuwa na aking nadama. Hindi lang dahil pinag-aral ka niya, kung hindi sa kaisipan din na ginawa niya iyon." Tumingin siya sa akin, ang mga mata ay may senyales ng pagluha. "Lagi akong nag-aalala sa pagtrato niya sa'yo simula sa una pa lang, pero kung ang paghihiwalay nila ni Ellie ay ganito ang resulta, pagpasensiyahan nila na ako ay mas natuwa."

Hindi ako nakapagsalita sa sinabi ni Nanay. Nanatili akong nakikinig sa kaniya.

"Kilala ko ang batang iyon, maayos siyang pinalaki ni Ma'am Tina. Parehong malapit ang mga puso nila sa mga salat pero naintindihan ko kung bakit nagtanim ng galit si Pancho. Hindi ko lang inaasahan na dadalhin niya ang galit na iyon hanggang sa paglaki niya." Napayuko siya. "Mabait si Ellie at alam ko na sumaya si Pancho sa piling niya, pero hindi ko mawari kung bakit naroon pa rin ang gaspang ng ugali niya. Kahit nakikita ko sa mga mata niya ang kakaibang sisi kapag pinapahirapan ka niya, hindi ko alam kung bakit tuloy-tuloy pa rin siya. Hanggang sa nawala si Ellie at tuluyan na ngang napawi ang gaspang na iyon. Kaya hindi nila masisisi sa akin kung iisipin ko na mas nakabuti iyon sa alaga ko."

Planning your weekend reading? Ensure you're on 05s.org for uninterrupted enjoyment. The next chapter is just a click away, exclusively available on our site. Happy reading!

Natigilan ako sa narinig na iyon mula kay Nanay. Mahaba ang siniwalat niya pero may nakakuha sa aking atensiyon. "S-Sisi?"

Ngumiti si Nanay at hinaplos ang aking balikat.

"Naalala mo ba noong araw na pinagbilhan ka niya ng pagkain sa isang sikat na fastfood chain? Hindi mo nakita kasi nakatalikod ka na, pero kitang-kita ko ang kislap sa mga mata ni Pancho noong makita kang masaya." Tumayo na siya pero ako ay nanatili pa ring tulala. "Kaya galingan mo, apo. Alam kong isa si Pancho sa mga pinakamasaya kapag nakapagtapos ka."

Pakiramdam ko ay uminit ang magkabila kong pisngi sa narinig. Dinig ko ang tibok ng aking puso. Ayokong umasa... pero hindi ko maiwasan. Lalo na sa mga sinabi ni Nanay kanina.

Kinabukasan sa araw ng aking pagsusulit, mas lumakas ang aking loob. Lalo pa at nagbulontaryo si Sir na ihatid ako sa unibersidad. Sabi ko na ayos lang, pero sinabi niya na simula ngayon, siya na ang susundo at hahatid sa akin. Aniya ay kailangan niyang masigurado ang dating ko sa unibersidad at ang uwi ko sa mansiyon. Nakahihiya at amo ko siya!

"S-Salamat po sa paghatid, Sir."

Nakita ko siyang tumango habang kinakalas ko ang aking seatbelt. Nanginginig ang aking kamay, pinagpapawisan na rin ako, pero ayaw kong mahalata iyon ni Sir. Minadali ko ang paglabas sa kotse niya dahil baka sa sobrang kaba ay maaya ko pa siyang uuwi na lang.

Alalahanin mo na lang ang text ng magulang mo sa'yo, Renz!

"Terenz!"

Napalingon akong muli sa kotse ni Sir. Dumungaw ako sa nakabukas na bintana ng kotse niya at doon ay nakita ko ang nakangiti niyang mukha sa akin. Tumaas ang isa niyang kamay, ginulo ang aking buhok. "Goodluck, Renz. You can do it."

Natulala ako sa kaniyang mukha. Hanggang sa umandar muli ang sasakiyan niya at umalis ay naroon pa rin ako. Wala sa sarili na hinawakan ko ang aking buhok kung saan dumapo ang kamay niya kanina. Mahina akong natawa. "Gagalingan ko para sa'yo," bulong ko.

Nawala na ang aking kaba. Ang lakas niya talaga sa akin!

"Aw!"

Napasalampak ako sa sahig nang sa pagharap ko ay may nakabungguan akong tao. Mataas at malaking tao yata ang nakabungguan ko ang sakit ng bagsak ko, eh! Lalo na ang pwet ko. "Sorry! Shit, are you okay?"

Napatingala ako at nasilaw pa sa liwanag ng araw. Noong dumungaw ang taong iyon sa akin, nag-aalala ang mga mata at hawak ang aking mga kagamitan ay nalula ako.

Sinalubong ako ng pares ng mga mata na kasingganda at kasingkulay ng dagat.


Tip: You can use left, right, A and D keyboard keys to browse between chapters.