Chapter 2
"Sinong gumalaw ng gamit ko?" Sabay-sabay na napalingon sa kanya ang kanyang pamilya. Magkakatapat si Johan, Roy, Jessa, Sasha at Rosa sa hapag-kainan nila. Ang mga bata naman ay nasa sala kumakain habang nanonood ng tv. Maliit lamang ang kanilang kusina na karugtong na rin ng sala. "S-Sino?" Mangiyak-ngiyak na ulit ni Crystal.
"Bakit anak? Anong nangyari?" nag-aalalang tanong ni Rosa sa anak niya.
Tumingin si Crystal sa nanay niya at sunod-sunod na tumulo ang mga luha.
Agad namang tinigil ni Rosa ang pagkain niya at lumapit sa anak. Napalunok siya nang makita niya ang latang hawak ni Crystal. Napatingin siya sa panganay niyang hindi man lang lumilingon sa kanila.
"Ma... may gumalaw ng gamit ko. N-Nawawala yung inipon ko," humihikbing na sabi ni Crystal sa ina. Isang taon niyang inipon iyon para may maipambili siya ng bago niyang cellphone. Tuwing dumarating ang sweldo niya ay nilalagyan niya iyon ng isang libo. Sa tuwing meron din siyang natitira sa allowance niya sa isang araw ang inilalagay niya agad iyon doon.
"Ano?" gulat na tanong ni Roy at tumingin sa asawa't mga anak. "Ginalaw niyo ba ang gamit ni Tita niyo?"
Mabilis na umiling si Jessa at Mickaela. "Hindi! Nakalimutan mo bang pumunta kami kina mama kanina at hapon na rin kami nakauwe?" depensa ni Jessa at nag-aalalang tumingin kay Crystal.
Tiningnan ni Roy ang panganay nilang kapatid. "Kuya?" Nakakunot ang noong tinawag niya ng pansin ang kapatid niya. Hindi manlang ito kumibot at nagpatuloy lang sa pagkain.
Napatungo naman si Sasha na para bang maiiyak na.
"Johan!" tawag ni Rosa sa anak. Pabagsak naman na ibinaba ni Johan ang kutsarang hawak niya.
"Ano? Kumakain ako eh!" iritableng sabi nito at umiling-iling.
"Pinakialaman mo ang gamit ko 'no?!" Matalim ang mga matang tiningnan ni Crystal ang kuya niya. "Ano na namang ginawa mo?!"
Sa kanilang tatlo kasi ay ito lamang ang walang maayos na trabaho. Madalas ay ume-ekstra lang ito sa pangongonstraksyon. Ngunit mas madalas ay umaasa lang siya sa naibibigay ni Crystal. Bukod pa rito ay ito lang din ang mabisyo sa kanilang tatlo kaya kung magkakapera man ito ay wala pa rin napapala ang pamilya nito.
Napasinghal si Johan at malakas na hinampas ang lamesa nila. "Aba malay ko diyan! Maghapon akong wala sa bahay!" tanggi nito. Halos manlaki na ang butas ng ilong nito habang nagsasalita.
Bahagyang napaigtad ang nakatungong si Sasha. Ang mga bata naman ay tahimik lang ding kumakain. Bakas sa mga mukha nila ang pag-aalala dahil sa sagutan ng mga matatanda.
"Johan," mahinahon ngunit na maawtoridad na tawag ni Rosa sa kanyang anak. "Nakita kitang umakyat sa itaas kanina. Anong ginawa mo roon?" tanong ni Rosa sa anak. Alas-tres kasi ng hapon habang nagpapahinga sila ng mga apo niya at manugang sa sala ay umuwe bigla si Johan. Noong minulat niya bahagya ang kanyang mga mata ay nakita niyang umakyat ito sa ikalawang palapag ng bahay nila. Agad namang sumunod dito si Sasha at narinig niya pang nagsasagutan ang mga ito. Hindi naman inabala pa ni Rosa ang sarili niya para tingnan ang dalawa dahil agad din namang tumahimik ang mga ito.
"Anak nang!" Pinagpalit-palit ni Johan ang tingin niya sa kanyang mga kapatid at ina. "Pinaghihinalaan niyo ba ako?!" pagalit na tanong ni Johan. Bigla na lamang pumalahaw si Sasha at lumapit kay Crystal.
"S-Sorry Crystal!" Lumuhod ito bigla sa harapan ni Crystal. "H-Hindi sinasadya ni Kuya mo 'yon. Please sorry!" "Tumayo ka nga diyan Sasha!" sigaw ni Johan.
Napaawang ang bibig ni Crystal at dito na siya nakaramdam ng panghihina. Napasalampak na lamang siya sa sahig dahil sa pagkabigla. Pakiramdam niya ay merong biglang bumara sa kanyang dibdib dahil bahagya siyang nahirapang huminga. Hindi makapaniwalang tiningnan ni Crystal ang kapatid na nagtatangis ang mga bagang.
"B-Buong buhay ko..." Huminga ng malalim si Crystal. Para siyang nakikipagkarera dahil halos maghabol ng hangin ang kanyang baga. "Buong buhay ko nagtrabaho ako para sa inyo. Para mabigay ang mga gusto niyo at pangangailangan niyo. Tapos ngayon... tapos... tapos ganito ang gagawin mo sa akin?! Lahat naman binibigay ko sa inyo ah! Bakit p-pati pa ito?!" puno ng hinanakit na tanong ni Crystal. Hindi niya alam kung ano ba ang masamang nagawa niya sa kanyang kapatid para gawin iyon sa kanya.
Nagiyakan na rin sina Rosa at ang mga bata dahil sa pagtangis ni Crystal. Ramdam na ramdam nila ang hinanakit ng dalaga. Lalo na si Rosa na pakiwari niya ay tinutusok siya ng maraming patalim sa kanyang dibdib.
"Kuya naman!" Napatayo na rin si Roy at namamanghang tinitingnan ang kapatid. "Pumusta ka na naman 'no?!"
Ito ang malaking problema nila kay Johan. Malakas itong magsugal, pumupusta ito sa sabugan sa kabilang barangay. Madalas ay dito nauubos ang kinikita niya. Minsan na rin itong nagnakaw ng pera kay Crystal ngunit pinalampas lang iyon ng dalaga dahil sa pakiusap ng kanyang ina.
"Bakit ba ako ang sinisisi niyo?!" halos mapatid ang mga ugat ni Johan sa pagsigaw. Tiningnan niya ng masama ang kanyang kapatid na humahagulhol. "Alam mo Crystal ang yabang mo na ha?! Purket ba may trabaho kang maganda?!" Bahagyang napatigil si Crystal. Unti-unting napalitan ang sama ng loob niya ng galit. Tinapunan niya ng matatalim ng tingin ang kanyang kapatid.
"Mayabang?! Ako pa mayabang?!" Tumigil siya saglit at huminga ng malalim. "Buong buhay ko ginugol ko na para buhayin kayo! Lahat ng pangangailangan niyo pikit mata kong binibigay! Tapos kayabangan pala sa 'yo 'yun?!" Hindi makapaniwala si Crystal sa sinabi ng kapatid niya. Tumanda na siya sa kakatrabaho para mabigyan ng maayos na pamumuhay ang kanyang pamilya. Walang kapantay ang sama ng loob na kanyang nararamdaman ngayon para sa kapatid. "Kuya... Ngayon lang ako nagtabi ng para sa akin kinuha mo pa." nanghihinang turan ni Crystal.
Napahagulhol si Rosa sa sinabi ng anak. Para siyang pinagsakluban ng langit at lupa dahil sa nakikitang gulo ng kanyang mga anak. Hindi niya alam kung ano ba ang gagawin niya ngayong nagaaway-away ang kanyang mga anak. Pantay ang kanyang pagmamahal sa mga ito ngunit ni minsan ay hindi niya kinunsinte ang masamang gawin ng kanyang mga anak. At walang ina ang gustong makitang nag aaway-away ang mga anak niya nang dahil sa pera.
Natahimik naman si Johan at napatungo na lamang. Bigla siyang natauhan sa mga sinabi ng kanyang kapatid. Hindi naman niya ginustong kuhain ang pera ng ni Crystal ngunit kinailangan niya lang gawin iyon dahil kinulang na siya ng pampusta niya. Binabantaan na kasi siya ng mga tao sa sabungan kaya wala siyang ibang napagpilian kundi kuhain muna ang ipon ng kapatid niya. Nakita niya kasi ito noong minsan naghanap din siya sa cabinet nito ng mga tira-tirang pera nito. 'Kasalanan ito ni Berting eh!' galit na usal ni Johan nang maalala niya ang kaibigan niyang pumusta sa pera niya.
Wala sa sariling biglang tumigil sa pagiyak si Crystal at mabilis na umakyat sa kanyang kwarto. Kinuha niya ang bag niya na may lamang wallet niya at dere-deretsong lumabas ng bahay nila. Wala siyang pinansin sa pamilya niyang nag iiyakan na rin ngayon.
Hindi alam ni Crystal kung saan siya pupunta. Tulalang tinatahak niya ang daan papunta sa terminal ng trysikel at sumakay roon. Hindi na niya namalayan pa kung paano siya nakarating muli sa Maynila, dahil napansin na lamang niyang dinala siya ng mga paa niya papunta sa Club na pinagdalhan sa kanya ni Ynette noon.
Tinitigan niya ang karatula ng club saka bumuntong hininga. Pikit-mata siyang pumasok doon na hindi alintana ang suot niyang damit. Sa sobrang pagod ng kanyang isipan ay hindi na niya naisipan pang magbihis kaya naka uniporme pa rin siya. Dali-dali siyang umupo sa may counter doon at huminge ng alak. Mayamaya pa ay hindi na niya mabilang kung ilang bote na ng alak ang kanyang nainom. Nang maramdaman niyang tinatablan na siya ng alcohol na kanyang nainom ay sumabay na siya sa mga taong nagsasayaw. Kasabay ng malakas na tugtugin mula sa naglalakihang mga speaker ay ang pagindayog ng kanyang katawan.
Hindi na niya alam kung ano na ang itsura niya dahil sa walang humpay na pagsaway. Noong makaramdam siya ng pagod at medyo na himasmasan ay muli siyang bumalik sa pwesto niya. Humingi ulit siya ng bote ng alak saka ininom iyon. Pabalik na sana siya sa pagsayaw nang may biglang lumapit sa kanya.
"Hey Miss! Are you alone?" anito at malagkit siyang tiningnan. Tinaasan lang ito ng kilay ni Crystal at tinalikuran ngunit hindi pa rin siya nakalakad dahil hinawakan na nito ang braso niya. "You're, alone right? Let me accompany you." Huminga muna ng malalim si Crystal at nilingon ito. Hinila niya ang kamay niya at saka umupo sa inuupuan niya kanina. Ngumisi ang lalaki at agad na umorder ng alak. "Your boyfriend might be mad if he saw us."
Tinitigan lang ito ni Crystal at marahang uminom ng alak. "I'm single," nakakunot ang noong sagot niya rito. Pilit niyang pinipigilan ang sarili niyang singhalan ito. "Ohh! Wow! Edi ayos pala..." malambing na sabi nito at lalong dumikit sa kanya.
Pakiramdam ni Crystal ay nagtayuan ang buhok niya sa ulo nang maramdaman niya ang balat nitong dumikit sa kanya. Nakaramdam siya agad ng pagkairita at hindi na napigilan ang sarili. Tumayo siya pinakatitigan ang binatang nakangiti sa harapan niya. Lalong naningkit ang mga mata ni Crystal kaya naman ay ibinuhos niya dito ang natitirang alak na kanyang iniinom.
"What the hell?!" malakas na sigaw ng lalaki na ngayon ay mukha nang basang sisiw. Mabilis itong tumayo at medyo inangat ang damit nitong nabasa. Nagtinginan ang mga taong malapit sa kanila.
Tinaasan lang ito ng kilay ni Crystal at mataray na tiningnan. "Alam ko kung ano ang gusto mo at..." Nasapo niya ang kanyang ulo at napakapit sa sandalan ng upuan na malapit sa kanya dahil bigla na lamang siya nakaramdam ng pagkahilo. 'Shit, nilagyan pa ata ako ng gamot.' Umiling-iling siya sa pagbabaka sakaling mawala ang pagkahilo niya. Muli niyang tiningnan ang lalaking kaharap niya. Animo'y ano mang oras ay mayroon ng lalabas na usok sa ilong nito dahil sa sobrang galit. "Y-You will never get me!"
Pakiramdam niya ay biglang umikot ang paligid niya kaya napaupo na siya. Nang magangat siya ng paningin ay nasa harap na niya ang lalaki kanina at nakangisi sa kanya.
"Let see about that," malisyoso nitong turan at akmang hahawakan siya. Ngunit bago pa man nito magawang hawakan siya ay merong pumigil dito.
"Stop or I will sue you," ani ng bagong boses ng lalaki na naririnig ni Crystal. Hindi na niya ito magawang tingnan pa dahil sa nakaramdam siya ng sobrang sakit sa kanyang sentido. Para itong pinupukpok ng martilyo kaya napapaungol na siya.
"Mind your own business. Find your own woman!" sarkastong sabi ng lalaking kausap niya kanina. Hindi na nalaman pa ni Crystal ang sunod na nangyari. Ang tanging naririnig na lamang niya ang malakas na tugtog at ang pagmumura ng lalaki kanina.
"Are you okay, Miss?" ani ng lalaking tumulong sa kanya. Nag-angat ng paningin si Crystal at pilit na inaninag ang mukha ng taong tumulong sa kanya. Ngunit hindi niya mukhaan ang lalaki dahil nanlalabo na ang kanyang paningin at tanging ungol na lamang ang naisagot niya. "Hey!" iyon na ang huling narinig ni Crystal sa binata dahil umikot na ang kanyang paningin at tuluyan nang nagdilim ang kanyang paligid.
"Ahh..." Nasapo ni Crystal ang ulo niya pagkagising. Hindi siya agad nakatayo dahil sa sobrang bigat ng ulo niya. Para itong may pakong nabaon sa ulo sa sobrang sakit. Huminga muna siya nang malalim saka unti-unting idinilat ang mata niya. Pinilit niyang umupo at saka inilibot ang paningin sa buong silid. Magara ang maliit na silid na ito. Malaki rin ang hinihigaan niyang kama na may kulay puting bedsheet. Sa tabi nito ay merong maliit na lamesa na merong nakapatong lampshade at telepono. Merong malaking bintana sa may paanan ng kama na tinatakpan ng makakapal na kurtina, sa tabi nito ay isang maliit na aircon at kabilang gilid naman ay banyo na.
Napakunot ang noo ni Crystal.
'Nasa hotel ba ko?" tanong niya sa kanyang sarili. Napasinghap siya nang mapagtanto niyang nasa loob niya ng isang hotel. Agad siyang napahawak sa katawan niya at tiningnan ang suot. Nakahinga siya ng maluwang noong makita niyang suot pa rin niya ang uniporme niya. Unti-unting rumehistro sa isipan niya ang nangyari kagabi.
"Anong ginawa mo Crystal?" ani niya nang maalala niya ang pagsaboy ng alak sa isang lalaki. Muli siyang napahiga at tinitigan ang kisame. "Sino kaya 'yon?" Pilit niyang inalala ang lalaking tumulong sa kanya ngunit tanging boses lamang nito ang na aalala niya. Nasa ganoon siyang pagiisip noong marinig niya ang pagtunong ng kanyang cellphone.
Pinilit niyang tumayo at hinanap ang kanyang bag. Napakunot pa ang noo niya ang numerong tumatawag sa kanya. Hindi ito naka-save sa kaya. Pero kahit ganon pa man ay sinagot niya ito. "Hel-"
"Crystal!" ani ng babaeng nasa kabilang linya. "Buti naman sumagot kana. Kanina ka pa naming tinatawagan!"
"Ate Jessa?"
"Oo, ako 'to. Nakitawag lang ako. Nasaan ka ba? Nasa bahay kana ba?" tanong nito. Hindi alam ni Crystal kung bakit bigla na lamang siya nakaramdam ng kaba.
"B-Bakit po?" Natahimik saglit ang kanyang hipag.
"S-Si Nanay," garalgal ang boses nitong turan at bahagya pang suminghot. "S-Sinugod naming kagabi sa ospital!"