Chapter [12] Terenz Dimagiba
Namamangha akong napatingin sa paligid ng Caticlan Airport habang hindi magkandaugaga sa pagdala ng mga bagahe ng topakin kong amo. Bukod sa dala kong malaking backpack kung saan ang aking mga gamit sa limang araw naming pamamalagi sa isla ng Boracay, dala ko pa ang isang de-kariton niyang bagahe at isang malaking barrel bag. Nasa harap ko si Sir Pancho kasama si Ate Maia na sekretarya niya habang papalabas na kami ng airport. May pinag-uusapan din yata silang importante. Sabi niya kanina ay dalawang araw raw niyang aasikasuhin ang ipinunta dito patungkol sa trabaho at ang tatlong araw ay pag-eenjoy raw sa isla.
Nakatanggap nga ako kagabi ng mensahe kay Ninong kung ayos lang daw ba sa akin na sumama sa anak niya na sinabi ko namang trabaho ko iyon at isa pa, wala akong magagawa dahil kinaladkad na ako rito ng topakin niyang anak. Magbubukas daw kasi sila ng bagong branch ng hotel nila rito at si Sir Pancho nga raw ang humawak sa project na ito. Nagtakha lang ako na wala siyang isinamang iba, kagaya na lamang ng driver — ako lang at si Ate Maia. "Ayos ka lang ba, Terenz?" mahinahon at nag-aalalang tanong sa akin ni Ate Maia.
Nginitian ko siya. "Ayos lang po, Ate," sagot ko na nginitian lang din niya.
Mabait siya kahit una pa lang naming pagkakilala ngayong araw. Sabi rin niya ay ate na lang ang itawag ko sa kaniya.
"Hoy, pauper," rinig kong sabi ng topakin kong amo kung kaya nagkukumahog akong lumapit sa kaniya. "Ikaw ang kumausap ng pwede nating masakyan papunta ng Jetty Port," aniya.
Napaisip ako kung ayos lang ba sa kaniya na sumakay ng hindi kotse kung kaya napatitig pa ako sa kaniya ng ilang segundo. Kung hindi niya lang ako pinanlakihan ng mga mata, hindi pa ako kikilos. Kahit mabigat ang mga dala at sobrang init ng araw, naghanap ako ng pwedeng masakyan namin at nakahanap nga ako ng tricycle.
"Ayos lang ba sa iyo na tricycle sakyan natin papunta roon, Sir?" tanong ko sa kaniya saksakan pa naman ng arte itong amo ko.
"Cool. I want to try it." Mangha at mukhang excited niyang saad sabay suot ng aviator square sunglasses niya.
"Sa jetty port, Sir? Maeapit malang, ah," (Sa Jetty Port, Sir? Malapit lang naman, ah.) nakangiting sabi ng driver sa hindi namin maintindihang lengghawe, pero nang may binanggit siyang Jetty Port ay tumango na lang kami.
Sa likuran ako sumakay habang sa harapan naman sina Ate Maia at Sir Pancho. Hindi nagtagal ay nakarating na kami sa Caticlan Jetty Port kung saan sobrang dami ng mga lokal na tao maging turista. Excited na rin ako, sa wakas ay makakaapak at makikita ko na rin ang White Paradise Beach na ipinagmamalaki rito sa probinsiya ng Aklan. Dati ay sa radyo ko lang ito naririnig, ngayon heto at abot kamay ko na. Magpapadala ako ng maraming litrato mamaya kina Nanay, tiyak matutuwa sila.
Agaw-pansin ang amo ko sa mga mata sa paligid. Hindi na ako nagulat doon. Kahit pa nakasuot lamang siya ng simpleng puting plain polo shirt, dark denim pants at black longwings shoes, malakas talaga ang dating niya. May narinig pa nga ako kaninang turista na sabi kong hollywood actor daw ba itong nakikita niya. Napailing na lamang ako. Kahit si Ate Maia rin naman agaw pansin, sexy din kasi siya at maganda. Habang ako, heto, dakilang alalay. Pangit na nga, hindi pa maputi at halatang dugyot.
"Stop staring at spaces and move, pauper," dinig kong sabi ng aking amo na ikinagulat ko dahil kami na pala ang susunod na sasakay sa ferry boat na magtatawid sa amin sa isla.
Mabuti naman at natitiis pa rin niya ang init at makipagsabayan sa maraming tao sa pagpunta sa isla. Mukhang nag-eenjoy naman siya at ngayon lang nagagawa ang mga ganitong bagay. Samantalang ako, pagkakita pa lang ng dagat habang tumatawid ang sinasakyan naming ferry boat ay na-miss ko kaagad sa amin. Na-mi-miss ko na rin pumalaot at mangisda buong araw.
"Siin kamo, Sir?" (Saan punta niyo, Sir?) iyan ang tanong sa amin ng mga driver pagdating namin sa Cagban Jetty Port kung saan may mga E-trike o Electical Tricycle na kung tawagin nila, sasakyan na inoopera ng elektrisidad. "What did he say?" kunot-noong tanong ng amo ko na ikinatigil ng driver sa aming harapan.
"Ah! S-Sorry, Sir. Where are you going?" sabi muli ng driver nang makabawi.
"Oh," si Sir Pancho. "Take us to Shangri-La Hotel, please."
"Shangri-La is a high-end luxury resort and spa located at the northwestern coast of Boracay. It's an eco-reserved area hidden from the public, complete with 2 private beaches," iyan ang mahabang sabi ni Ate Maia nang tinanong ko sa kaniya kung ano ang Shangri-La na sinabi ni Sir. Doon kami manunuluyan - hindi ko naman kasi na-gets ang English niya, resort lang ang na-gets ko.
Habang nasa byahe patungong hotel, binusog ko ang aking mga mata sa pagtanaw sa paligid. Napakaraming establisyemento pati mga tao. Nakamamangha. Habang papalapit kami sa front beach ay tila kinikiliti na ang aking tiyan sa sobrang excitement.
Saktong alas-onse ng umaga ay nasa harap na kami ng Shangri-La Hotel na matatagpuan sa Yapak. Pribado pala rito at malayo sa mismong front beach ng isla. May dalawa namang pribadong beach dito na tinatawag daw na Punta Bunga at Banyuga Beach-kung saan ang mga guest lang sa resort ang makapupunta.
Hindi na naisara pa ang aking bibig sa laki at ganda ng lugar. Hindi na magkamayaw si Ate Maia sa pagkuha ng litrato sa paligid ng hotel. Ang linaw ng dagat, ang puti at pino ng buhangin, sobrang ganda! Paraiso nga ang Boracay! Isasama ko ang lugar na ito sa pangarap kong makita nina Nanay. Tiyak ang galak na mararamdaman nila.
"Give us the Presidential Suite," dinig kong sabi ng aking amo sa front desk ng hotel.
Ngayon, pagkatapos kong mamangha sa paligid ay naramdaman ko na naman ang pagod. Tagaktak na ang aking pawis at masakit na rin ang dalawa kong balikat dahil sa nagbibigatang mga bagahe.
"Want me to help you, Renz?" si Ate Maia na tila ay nag-aalala na naman.
"Naku, Ate, ayos lang. Trabaho ko ito."
"Sure ka, ha? Magsabi ka kung pagod ka na, okay? I'll help you. Don't mind your monster boss," naging pabulong ang pagkasasabi niya sa mga huling salitang nabanggit kung kaya natawa ako.
Napatingin naman ako muli sa topakin kong amo na nakikipag-usap pa rin sa front desk ng hotel. Lahat na naman ay napalilingon sa kaniya, maging ang mga front desk officer ay hindi magkamayaw at malaki ang mga ngiti na kinakausap siya. Samantalang nakasimangot lamang siya at dikit na dikit ang mga kilay. Palihim akong natawa.
Nawala lamang ang atensiyon ko roon nang bahagya na namang sumakit ang kanan kong braso kung saan ako ay may pasa. Napangiwi ako at muling naalala ang araw kung bakit ko ito nakuha.
Kamakailan lamang pagkatapos naming makauwi mula sa trabaho ni Sir ay basta na lamang ako nito kinaladkad papasok ng mansiyon. Sinubukan pa nga kaming harangin ng nagugulat na si Nanay Matilda, kaso sinigawan siya ni Sir Pancho na huwag makialam. Sobrang higpit ng pagkakadarag niya sa akin na napapaaray na ako sa sakit, kaso tila hindi niya iyon napapansin dahil sa labis na galit sa hindi ko alam na dahilan.
"Ah!"
Malakas at pasalampak ako nitong tinulak sa pader malapit sa aking kwarto dahilan para mapasigaw ako sa sakit. Dinig ko pa ang pagtambol ng aking likuran nang tinulak niya ako roon. Hawak ang braso ko kung saan niya ako hinawakan nang marahas ay maluha-luha at nagugulat akong tumingala rito.
"Don't try me, Terenz. Don't you dare try to do anything funny that will disrespect my family!" sigaw niya habang namumula ang mukha sa galit. Lumapit siya sa akin at madiin akong hinawakan sa panga. "Wala akong pakialam kung inaanak ka pa ng tatay ko at magbarkada sila ng tatay mo. Huwag mo lang subukan na landiin 'to kun'di ako ang makahaharap mo." Halos mapaluhod ako sa sahig nang malakas niya akong binitawan patulak ang aking panga.
Natulala lamang ako noon hanggang sa makaalis na siya sa aking harapan at iniwan ako roong naguguluhan. Hindi ko alam kung saan niya nakuha iyong pinagsasabi niya. At bakit si Ninong? Bakit nasabi niya na magdadala ako ng kahihiyan sa pamilya nila? Hindi ko alam, hindi ko talaga alam. Ngayon man, kahit normal niya akong kinakausap, nakikita ko pa rin ang galit sa mga mata niya kapag tinitignan niya ako. Ramdam kong nagagalit din ako dahil hindi ko alam kung bakit siya nagkakaganiyan, kaso... sumasakit din ang dibdib ko sa hindi ko malamang dahilan.
Nasasaktan ako sa kaisipang nakararamdam ng muhi at galit sa akin si Sir Pancho. Alam kong noon pa man ay diri at disgusto na siya sa akin pero hindi naman ako nakaramdam ng sakit noon. Pero ngayon, nasasaktan na ako sa pakikitungo niya sa akin. Hindi lang sakit sa katawan pati sakit sa loob ng aking dibdib. At natatakot ako sa nararamdaman kong ganoon. Simula ng araw na makita ko siya habang kausap niya ang nobyo niyang si Ellie ay nagiging conscious na ako sa presensiya niya. Tila ba ang makita ang pagmamahal sa mga mata niya habang kaharap ang kaniyang kasintahan ay nais ko ring ipakita niya sa akin.
Sa limang araw na makasasama ko siya rito sa isla, hindi ko alam kung ano pa ang mga maaaring mangyari.