Chapter 12
"MAHAL ko po si Selena, sir. At mahal niya rin po ako. Please, I'm begging you. Just let us be."
Muling nakatikim ng isang malakas na suntok sa panga si Dean mula kay Zandro Avila, ang ama ni Selena. Pero hindi siya nagtangkang lumaban. Pinalibutan na siya ng mga bantay nito. Sa kabila niyon ay nanatili siyang nagpapakumbaba. Buong buhay niya ay sanay na siyang hindi nakukuha ang mga gusto ng puso niya.
He had always lived an empty life. Minsan, pakiramdam niya ay isinumpa siya ni Leonna dahil siya ang sumasalo sa kasalanan ng kanyang mga magulang.
Kaya nang malaman ni Dean na mahal rin siya ni Selena ay saka pa lang nagsimulang maging makulay ang buhay para sa kanya. Pero malaki ang kapalit ng mga kulay na iyon at ngayon ay nanganganib pang mawala ang mga iyon sa kanya. At desperado na siya. Hindi pa siya nagmakaawa ni minsan para sa isang bagay dahil alam niyang imposible namang ipagkaloob ng mundo sa kanya ang mga gusto niya anuman ang gawin niya.
Pero nang siya ang piliin ni Selena, unti-unti ay nagkaroon siya ng pag-asa sa kabila ng mga komplikasyon sa relasyon nila. Pero naglaho ang lahat ng pag-asang iyon nang pagkaraan ng ilang oras na paghihintay niya kay Selena ay ang galit na galit na ama nito kasama ang mga armadong body guards nito ang lumabas at humarap sa kanya.
Nang makita si Dean ni Zandro ay agad siya nitong nilapitan at sinuntok. Pero wala siyang kadala-dala dahil heto at ipinipilit niya pa rin ang pagmamahal niya para kay Selena.
"Pasalamat ka at ampon ka ng mga Trevino kung hindi ay higit pa sa suntok ang aabutin ng isang tulad mo sa akin!" Humihingal sa galit na wika pa ni Zandro. "Wala kang karapatan na ambisyunin ang anak ko, Dean. Kaya itigil mo na ang kahibangan mong ito. Anuman ang gawin mo, matutuloy pa rin ang kasal ng anak ko kay Adam. Sinisiguro ko iyan sa 'yo. Kaya ngayon, magpakalayo-layo ka na dahil baka hindi na kita matantiya ng tuluyan!"
Ilang sandaling kumuyom ang mga kamay ni Dean. Mariin niyang naipikit ang mga mata bago siya dahan-dahang lumuhod kasabay ng kanyang pagyuko. Ilang ulit niya na bang nahiling na sana ay nabaliktad ang mga pangyayari sa buhay niya? Sa dami ay hindi niya na mabilang. Pero nang mga oras na iyon, noon niya pinakahiniling ang bagay na iyon.
Ilang ulit na ring pinaalalahanan si Dean ng kanyang tiya Dolores na anuman ang mangyari ay huwag na huwag siyang yuyukod sa pamilya ng ama at sa mga kakilala nito. Matalino raw siya bukod pa roon ay may dugo pa rin siyang Trevino. Kailangan niya pa rin daw na manindigan sa kabila ng naiibang pagkakakilala sa kanya ng publiko. Iyon rin daw siguro ang hihilingin sa kanya ng ina sakali mang nabigyan ito ng pagkakataon na magtapat sa kanya ng katotohanan.
Pero hayun si Dean ngayon at hindi lang basta yumukod. Nakaluhod pa siya sa sementadong daanan. Nag-ulap ang kanyang mga mata. Kung malalaman kaya iyon ng tiya Dolores niya, kausapin pa kaya siya nito? At kung sakaling nakikita siya ng kanyang ina, nasisiguro niyang lumuluha na ito. Sa naisip ay nagsikip ang kanyang dibdib.
Patawarin mo ako, 'nay. Hanggang ngayon, hindi ko pa rin magawang maibangon ang sarili ko. Paulit-ulit na lang kitang binibigo. "Nagmamakaawa po ako sa inyo, sir. Hayaan nyo na po kami ni Selena. Gagawin ko po ang lahat para sa kanya-"
"Madali naman akong kausap, Dean. Sige, pagbibigyan kita. Pero sa isang kondisyon."
Nag-angat ng mukha si Dean nang marinig ang sinabing iyon ng ama ni Selena. Sumibol ang pag-asa sa puso niya. Sinalubong niya ang matiim na mga titig ng matandang lalaki. "Ano pong kondisyon?" "Wake up the next day with a different name, with a different identity and with a different background. And make sure you wake up better than Adam Trevino. Only then will I start to reconsider." Ani Zandro bago siya nito tinalikuran kasama ng mga nagtatawanang body guards nito.
Ilang minutong natigilan si Dean. Ni minsan ay hindi pa siya lumuha maliban na lang noong araw na namatay ang kanyang ina. Pagkatapos niyon ay masyado nang naging drain ang pakiramdam niya para lumuha pa. Pero hayun siya ngayon. Napatingala siya sa papadilim nang kalangitan. What have I done wrong to You?
NAHINTO sa pag-iyak si Selena nang marinig niya ang mahihinang katok na iyon sa labas ng pinto ng kanyang kwarto. Sa susunod na Linggo na ang kasal nila ni Adam. At wala na siyang kawala. Simula nang manggaling siya sa mansyon ng mga magulang ay hindi na siya nilubayan pa ng mga body guards niya. Parating nakabantay ang mga ito sa labas ng kanyang bahay. Ang isa na para bang hindi pa nakuntento ay sa mismong sala niya pa nagroronda.
Hindi makalabas si Selena. Ni hindi siya makapunta sa kanyang opisina. Ang sinabi lang ng isa sa mga bantay niya ay ang kanyang ama na raw ang bahala sa kanyang mga kliyente. Ito na raw ang nagpaliwanag sa lahat na abala siya sa wedding preparations at matapos ang honeymoon ay saka pa lang siya babalik sa trabaho.
Ni hindi niya makausap si Chynna. Kahit ito ay pinagbabawalan siyang kausapin. Nang dalawin siya nito ay hinarang ito ng mga bantay niya kaya ni hindi man lang sila nagkita ganoon rin si Dean. Armado ang mga bantay niya at laking pasasalamat niya nang hindi na magpumilit pa ang binata na makausap siya.
Pinutol ang linya ng telepono sa bahay ni Selena kaya wala siyang matawagan. Si Adam lang ang hinahayaang makabisita sa kanya pero hindi niya ito hinaharap sa kabila ng pakiusap nito. Wala nang ipinagkaiba pa sa isang preso ang pakiramdam niya.
lisang paraan na lang ang naiisip ni Selena. Ang tumanggi sa mismong araw ng kanyang kasal. Pero binalaan na siya ng kanyang ama nang puntahan siya nito. Mapapahamak raw si Dean sa oras na may gawin siyang labag sa kagustuhan nito. Muling napaluha si Selena sa naisip. Kung hindi lang mas malaki ang kagustuhan niyang makita pa rin si Dean sa kabila ng mga nangyayari sa kanya, siguradong tinakasan na siya ng katinuan.
"Ma'am Selena? Ma'am Selena?" Narinig niyang mahinang pagtawag sa kanya mula sa pinto.
Napu-frustrate na lumapit siya roon at binuksan iyon. Walang araw na hindi siya umiyak mula nang makauwi siya sa bahay niya kasama ang mga bantay niya. Hindi siya gaanong nakakatulog. Bukod pa roon ay hindi maganda ang pakiramdam niya. Madalas siyang nahihilo at para bang mas naging sensitibo ang sikmura niya sa mga pagkain ngayon. May maamoy lang siya ay naduduwal na siya.
Nang dumalaw ang kanyang ina ay sinabi niya iyon rito. Binilhan siya nito ng pregnancy test kits. At gaya ng kutob niya ay pare-parehong positive ang resulta ng mga iyon. Naghahalo ang tuwa at takot ni Selena sa nalaman. Buntis siya. Nagbunga ang pagmamahalan nila ni Dean. Sayang nga lang at hindi niya maibahagi ang kanyang saya sa ama ng dinadala niya. Kasabay niyon ay natatakot siya. Anong uri ng buhay ang naghihintay para sa anak niya?
Ipinaalam ng kanyang ina sa kanyang ama ang sitwasyon. Galit na galit na pinuntahan siya ng ama at pinagbantaan na huwag na huwag ipapaalam sa lahat ang tungkol sa bata. At dala siguro ng matindi pa ring galit nito ay inutusan pa siya nitong ipalaglag iyon at sa kauna-unahang pagkakataon ay lumuluhang lumuhod siya sa ama at kumapit sa pantalon nito sa takot na totohanin nito ang mga sinabi.
Baka tuluyan nang mabaliw si Selena kung pati ang anak niya ay mawawala pa sa kanya lalo pa at hindi niya na nga makakasama pa ang ama nito. Hindi niya pa man nakikita ang anak ay mahal niya na iyon. Matapos niyon ay hindi na nagsalita pa ang kanyang ama. Hindi niya alam kung ano ang ibig sabihin ng pananahimik nito. Hanggang ngayon ay nag-aalala pa rin siya na baka anumang oras ay gumawa ito ng hakbang para alisin ang bunga raw ng pagiging suwail niya. Sa ngayon ay magli-limang linggo na ang bata sa sinapupunan niya.
Ilang ulit na ring pinakiusapan ni Selena ang ina na tulungan siya pero nananatiling mahina ang loob nito. May mga pagkakataon na kahit sa sariling ina ay gusto niya na ring maghinanakit. Aanhin niya ang simpatya nito? Ang tulong nito ang kailangan niya. Bakit ba hindi nito magawang maging matapang kahit minsan para sa sarili nitong anak? Ayaw niyang matulad sa mga magulang ang pagsasama na ni minsan ay hindi nagmahalan.
Sa pagbukas ni Selena ng pinto ay bumungad sa kanya si Domingo. Sa lahat ng para bang mga bouncer sa laki ng pangangatawan na mga bantay niya ay si Domingo lang ang pinakakilala niya. Nagkakilala na sila bago pa man ito naging tauhan ng kanyang ama. Nagbo-volunteer siya noon hindi lang sa charity kundi pati na rin sa iba't ibang ospital. Doon niya nakilala ang panganay na anak ni Domingo. May kidney problem ang bata noon at iyon ang isa sa limang mga batang napili niyang tulungan. Sinagot niya ang lahat ng hospital bills ng mga iyon.
Ibinigay rin ni Selena ang tarheta niya sa mga magulang ng mga bata sakali mang kailanganin pa ng tulong niya. Ang tatlo sa mga ina ng mga batang iyon ay nagawa niya pang ipasok bilang mga mananahi sa kanyang shop kabilang na ang asawa ni Domingo.
Noon ay driver cum body guard rin si Domingo ng isang mayamang Intsik pero tinanggal ito sa trabaho mula nang ilang araw na sunod-sunod itong hindi nakapasok para asikasuhin ang may sakit na anak. Kaya matapos maipagamot ang bata ay inudyukan ni Selena si Domingo na pumasok bilang isa sa mga tauhan ng kanyang ama lalo pa at di hamak na mas mataas na magpasweldo ang huli. Lahat ng pagtulong niya ay palihim niyang ginagawa. Si Dean lang ang nakakaalam niyon dahil ang binata ang siyang mas nakakasama niya noon sa halip na si Adam.
Sa tuwing hindi natutuloy ang mga lakad nila ni Adam ay sa mga orphanage o ospital siya tumutuloy. Nagboboluntaryo si Dean na samahan siya. Kahit ito ay nagbibigay ng tulong pinansyal sa iba pang pamilya roon. Dalawang taon na simula nang matanggap si Domingo bilang isa sa mga body guards ng kanyang ama. Kusa itong natanggap nang subukan nitong mag-apply. Hindi ito tinulungan ni Selena dahil ayaw niyang may masabi ang ama. Ayaw na ayaw pa man din nitong nakikipaglapit raw siya sa kung sino lang.
Ayaw niya mang aminin, kahit ang kanyang ama ay masyado ring matayog ang tingin sa sarili hindi kaparis ng kanyang ina na sa kabila ng yamang taglay ay nananatiling mababa ang loob.
"What is it?" Walang siglang tanong ni Selena kay Domingo. Nagiging emosyonal na nga yata siya masyado dahil kahit kay Domingo ay sumasama ang loob niya kahit pa alam niyang hindi naman dapat dahil sinusunod lang nito ang utos ng amo nito na nagkataong hindi siya. Wala siya sa posisyong manumbat ng mga naitulong niya kapalit ng pagpapatakas nito sa kanya.
"Bilisan nyo po ang kilos, ma'am. Kunin nyo lang po ang mga dapat kunin sa mga gamit nyo." Pabulong pa ring wika ni Domingo na pasulyap-sulyap sa paligid. "Natawagan ko na po ang ibinigay na numero ni ma'am Chynna at naghihintay na po siya sa inyo sa labas."
Nanlaki ang mga mata ni Selena nang sa wakas ay ma-realized ang mga sinabi ni Domingo. Sumilay ang kauna-unahang masayang ngiti sa kanyang mga labi simula nang makulong siya sa bahay niya. Ngayon ay alam niya na kung bakit ni hindi siya kinakausap ni Domingo sa tuwing binabantayan siya. Iyon ay para hindi sila mahalata.
Nagmamadaling dinampot ni Selena ang nakahanda nang traveling bag niya. Hindi niya man sigurado kung makakatakas siya ay inihanda niya pa rin iyon sa nakalipas na mga araw. Mabilis na kinuha iyon sa kanya ni Domingo pagkatapos ay walang ingay na dumaan sila sa likod-bahay. Namataan niya ang isa pang bantay roon na walang malay. Nagtatakang nilingon niya si Domingo.
"Palihim na binigyan po ako ng inyong ina ng pampatulog noong nakaraan pang mga araw, ma'am Selena. Pero ngayon lang po ako nakahanap ng tiyempo na gamitin iyon. Mayamaya ay kailangan ko rin iyong inumin para hindi ako mahalata." Ani Domingo habang mabilis na inaalalayan si Selena palabas. "Bilin ng inyong ina na huwag nyo siyang tatawagan anuman ang mangyari." May ibinigay ito sa kanyang isa pang maliit na bag. "Naririyan na raw po ang ilan sa mga kakailanganin ninyo."
Nang makarating na sila sa tapat ng isang itim na van ay agad na bumukas ang bintana sa gawi ng driver's seat. Mula roon ay namataan ni Selena si Lilian, ang pinsan ni Chynna na malapit rin sa kanya. Isa itong photographer. Magkaklase rin sila nito noong elementary at high school pero naging paputol-putol ang komunikasyon nila nang magpunta ito sa Amerika dahil bihira na lang itong umuwi sa bansa. Puno ng pasasalamat na niyakap ni Selena si Domingo. "Maraming-maraming salamat. Hindi ko makakalimutan ang ginawa mong ito, Domingo."
Tumango si Domingo, may bahagyang ngiti sa mga labi. “Mabuti kayong tao, ma'am pati na rin si sir Dean. At naniniwala ako na ginagantimpalaan ang mga mabubuti. Maaaring hindi kaagad. Pero pasasaan ba't darating rin iyon." Wika nito bago siya inalalayan nang makapasok sa van.
Nang makaharap ni Selena si Lilian ay kaagad siya nitong niyakap. Alam niyang ipinadala ito ni Chynna. Ilang sandali rin silang nasa ganoong posisyon bago nito pinaharurot na ang sasakyan palayo. "Thank you, Lilian. Habang-buhay kong tatanawing malaking utang na loob, ito." Maluha-luhang wika ni Selena.
Nilingon siya ni Lilian at nginitian. "No worries. Kaibigan kita. Last week lang ako dumating mula L.A kaya pasensya na at ngayon lang ako nakatulong. Chynna had been nagging me for days on how we'd help you out. Pasensya na kung na-delay. Mabuti na lang at nag-volunteer maging accomplice si Domingo. Ako na rin pala muna ang ipinadala ni Chynna dahil siguradong siya ang pagdududahan ng lahat na tumulong sa inyo ni Dean. Kaya siniguro naming nasa shooting siya ngayon sa Cebu. You'll be safe with me. Your father doesn't know much about me."
Napatango-tango si Selena. Ang kaalamang magkikita na sila ni Dean ang nagbibigay ng doble-dobleng lakas sa kanya ngayon. "Saan pala tayo pupunta?"
Kinindatan siya ni Lilian. "Just trust me. I will be more than glad to be your fairy godmother for the meantime. Tutal, matagal-tagal na ring walang adventure ang buhay ko. I'll take you to a kingdom far, far away Pero may kapalit 'to, ha?"
Kumunot ang noo ni Selena, bumalik ang kaba sa dibdib. "What?"
"Kailangang gawin mo akong ninang kapag nagkaanak na kayo ni Dean. Maghahalo ang balat sa tinalupan kung hindi."
Natawa na lang si Selena. Gustuhin niya mang sabihin kay Lilian ang sitwasyon ay nais niya namang bukod sa mga magulang ay si Dean ang sumunod na makaalam ng bagay na iyon. Mayamaya ay nahaplos niya ang pipis pang tiyan. You're going to meet daddy soon, baby...☐☐☐☐☐☐☐☐☐☐☐☐☐☐☐☐